A nineteen year old lady turning twenty this December 2010, living in a techno-gadgety generation who is so much in love with black and white film photography, still writes personal stuff in her disorganized diary, rocks a folk guitar, sings loudly while taking a shower, wants ruthless/daredevil adventures, loves her family, friends, sleeps at dawn and had her heart seriously broken twice. What's not to love?
Magkahalong tuwa, lungkot, at panghihinayang ang nararamdaman ko.
Tuwa...
Oo, nakakasawang pakinggan pero paulit-ulit kong babanggitin, natutuwa ako at naalagaan ko si Amber. Natutuwa ako dahil minahal ko siya. Natutwa ako dahil minahal niya ako. Hindi nga nakakapagsalita ang isang aso pero marunong siyang magbigay ng pagmamahal. Natutuwa ako dahil sa mga sandaling kasama ko siya, masaya ako.
"Wala na si Amber."
"Paano pong wala? Umalis na naman po ba siya?"
"Hindi. Wala na siya."
Lungkot...
Hindi ko inakalang sa huling sulyap ko sa kanya, akala ko magkikita padin kami. Yun na pala ang katapusan ng lahat. Wala na. Nawalang parang bula. Kung alam ko lang, hindi na ako umalis. Kung alam ko lang, hindi ko na siya binalik. Kung alam ko lang, hindi na ako lumayo. Kung alam ko lang... Pero hindi ko alam. Nalaman ko nalang kung kailang huli na ang lahat.
"Hinabol ka niya nung umalis ka. Pero biglang nagka-aksidente. Nabunggo siya ng sasakyan."
Panghihinayang...
Taragis naman. Baket kasi hindi ka nag-iingat, Amber? Baket kailangan mo pa akong habulin? Namili ka diba? Pinili mo yung totoo mong amo. Pero baket kailangan mo pa akong balikan? Baket kita sinisisi sa mga pangyayari? Baket ang tanga mo?
Nakakapanghinayang hindi kita napansin. Sobrang sakit sa pakiramdam. Sana hindi nalang kita iniwan. Sana hindi nalang kita binalik. Sana hindi nalang kita pinakawalan. Puro sana... pero paano na yan? Wala ka na.
Matapos ang isa’t kalahating oras… Lumabas ako sa vet shop nang may luha, ngiti sa labi at kabog sa dibdib.
Salamat sa pagmamahal. Hinding-hindi kita malilimutan.
Bumalik na nga pala siya sa kanyang totoong amo. Siyempre ano pa nga ba ang magagawa ko diba? Ako lang naman yung taong kumupkop sa kanya nung mga panahong nawawala siya. Sino ba naman ako para angkinin ang hindi ko pagmamay-ari.
Eto na naman balik na naman sa uswal na ginagawa... Gigising sa umaga, maliligo, magbibihis, kakain, maglalakad papuntang eskwelahan, uupo sa klase, hindi makikinig sa propesor, at maglalakad ulit pauwi ng dorm. Hindi katulad noong anjan si Amber, magigising ako dahil sa ingay ng tahol niya. Yung mga panahon na pag-uwi ko, may sasalubong sa akin at makikipaglaro. Yung panahon na may naglalambing sakin. Namiss ko yung pakiramdam ng may inaalagaan at yung may nagpoprotekta sa'yo.
Isang buwan na ang lumipas at hindi maalis sa isip ko ang bakas ng kasihayan sa mukha ng isang asong nakita na niya bahay na kinalakihan niya. Naalala ko pa ang malambot at mahaba niyang buhok, ang mata niyang kulay 'amber' na tila laging nangungusap at ang napakalakas niya tahol na nagsisilbing simbolo ng kanyang lakas.
Hindi ko na ito kaya... kailangan ko siyang makita.
Martes ng hapon. Nakakabagot at mainit na araw. Inumpisahan kong maglakad. Ang una'y naglakad ako sa UST field. Umupo ng sandali sa bleacher at panandaliang nag-isip. Naalala ko si Amber na masayang naglalaro sa gitna ng damuhan. Napangiti ako. Wala nang makakapantay sa kanya. Bente minuto rin ako nagtagal doon nakaupo nang napagpasyahan nang umuwi.
Ang mga mata ko'y pirming nakatitig sa aking mga paang nagpapa-palit-palit ng hakbang. Pagtingin sa paligid, mga paa'y dinala pala ako sa dating lugar na ipinangako sa sariling hindi na muli babalikan.
Matagal akong nakatayo sa harapan ng pintuan ng vet shop. Nagtatalo ang puso at ang utak kung kakatok at papasok o tuluyan nalang lumayo at magumpisang maglakad. Kung papasok ako, andun pa kaya si Amber? Kung makikita ba niya ako, makikilala pa ba niya ang dating naging kaibigan? Kung makikita ko ba siya, anong gagawin ko? At kung aalis nalang ba ako at maguumpisang lumakad palayo, pagsisisihan ko ba ang panahong may chansa akong makita ko ulit ang dating alaga?
Nakatayo lang ako doon...
Nag-iisip...
Napansin ata ako ng beterinaryong nakatayo doon at malalim ang iniisip. Binuksan niya ang pinto at bumungad sa akin ang isang ngiti...
"Ikaw yung nag-alaga kay Jaki diba? Natatandaan mo pa ba?"
Paano ko namang hindi maaalala...
"Opo... Anjan po ba siya? .... Ah... Eh... Pwede ko po ba siyang makita?" "Pasok ka..."
***
Matapos ang isa't kalahating oras... Lumabas ako sa vet shop nang may luha, ngiti sa labi at kabog sa dibdib.
Punasan mo kaya yang luha mo at tumingin ka sa akin.
Maganda ka. At hindi niya nakita yon. Pero kahit na, may makakakita sayo na mapapansin yung kagandahan mo. Sinaktan ka niya, pero hindi ibi sabihin non na iiyakan mo na siya. Hindi siya karapat-dapat sa mga luha na yan. At wag mong sayangin ang buhay mo sa isang taong hindi nagpahalaga sayo. Ang una mong gawin ay alagaan at mahalin ang sarili mo kahit sa anong paraan na kaya mo. Kasi kung hindi mo mamahalin ang sarili mo, sino pang tao ang makakakita ng kagandahan mo.
Tahan na. May mga taong nakapaligid sayo na hinding-hindi ka iiwan kahit ilang beses mo silang itulak palayo. Sila yung mga taong tinuturing kang kaibigan. Yung taong mahal ka kahit nakita ka na nilang sumuka ng ilang beses dahil sa sobrang kalasingan. Yung taong ipinagtanggol ka sa mga taong kumukutya sa kakayahan mo. Yung mga taong kahit gaano ka katigas, alam nila kung ano yung magpapalambot sa puso mo. Anjan lang sila at hindi ka nila huhusgahan.
Wag ka nang malungkot dahil sa bawat pagpatak ng luha mo para sa taong pinahalagahan mo, may isang tao din na umiiyak dahil nakikita ka nilang nasasaktan at ayaw mo naman na may nasasaktan na tao dahil sayo.
Lahat ng nangyayari sa buhay ng tao ay may kahulugan. Kung hindi mo man malaman yung sagot ngayon, malalaman mo rin yan sa panahong kailangan mo ng tulong galing sa sarili mo.
At habang pinupunasan niya ang luha sa kanyang pisngi at tinitingnan ang sarili sa salamin, isang buntong-hinga ang nasambit.
Tagal na kitang hindi nakakausap. Tagal na akong hindi humhinto sa paglakad at sandaling manalangin. Ang rami kong gustong sabihin. Ang rami kong gustong ihingi ng payo galing sa'yo. Ang rami kong problema.
Eto na naman ako. Napapansin ka lang pag may problema ako. Ganon na ata talaga ako kasama pagdating sayo. Pero anjan ka parin. Hindi mo ako iniiwan at sa twing kailangan kita, alam ko nakikinig ka sa mga daing ko. Kung katulad ka ng mga ibang kaibigan ko at may problema ako, panigurado, pagtatawanan lang nila ako at sasabihing, "MOVE ON."
Ang dami ko nang kasalanan sayo. Lahat ng bawal, ginagawa ko. Sorry po. Hindi ko masasabing hindi ko mauulit kasi andito ako sa point na nahuhumaling ako sa mga maling nangyayari sa buhay ko. Pero konsensya ko narin ang pumipilit saking huminto. Siguro hindi talaga konsensya ang nagsasalita, ikaw siguro yon.
Salamat sa lahat ng bagay. Sana maintindihan ko kung baket mo ako mahal.
Love, Kikay
P.S. Multi-lingual ka naman diba? So, maiintindihan mo kung Tag-Lish ang sulat ko.
Hindi naman lahat ng heartbreak ay masama. Pero lahat ng heartbreak ay masakit.
Nasabi kong hindi naman talaga masama kung ito ay alam mo nang mangyayari sa umpisa palang o kaya sa gitna. Yung tipong alam mo na wala talagang mangyayari sa inyo. Walang patutunguhan. Hindi masama kung may natutunan kayo sa isa’t isa. Natuto kayong maging matatag. Natuto kayo na hindi masamang mawalan at naisip nyo na sa pagkawala ng taong mahalaga sa inyo, mas natuto kayo kung paano magmahal.
Syempre, kahit natuto ka, may kaakibat na sakit at hindi ito matatakbuhan. Ang sakit ng pagkawala. Maiisip mong baket ka pa nagsayang ng oras sa isang taong mawawala din naman? Isa lang naman ang sagot diyan. Kasi minahal mo nga siya. At nung mga panahong minamahal mo siya hindi mo na naiisip ang oras.
Kagagaling ko lang sa isang heartbreak at matatagalan pa ako bago maka-recover. Hindi naman kasi ganon kadali yun. Dapat lang talaga, magpakatatag at hayaan ang oras na lumipas.
...kapag wala ka sa isang relasyon. Iba ang tingin mo sa salitang love kasi nakikita mo ang pagmamahal sa lahat ng bagay at tao.
Kung dati, kapag nakakakita ako ng lovers na magka-holding hands, naiinggit ako. Naiisip ko, baket sila, nahanap na nila yung taong para sa kanila, baket ako hindi? Asan ba siya? Baket ang tagal naman niyang dumating? Laging ganon. Laging negative.
Ngayon, iba na. Sa tagal na wala akong commitment, iba na ang tingin ko sa mga lovers. Naiisip ko na masaya sila mahal nila yung isa’t isa. Naiisip ko rin na may isang lalaki dyan, hindi ko lang napapansin o hindi ko pa nakikila na hinahanap din ako. Hindi nga lang yun yung tamang panahon o lugar.
Parang isang rosas ang pag-ibig. Sa una, isa palang siyang simpleng bud. Oo, sa susunod na mga araw, mamumukadkad din siya sa sarili niya pero hindi iyon ganong kaganda kung wala sa proseso yung bubuyog na tutulong sa kanya.
Every single day, before going to bed and after sleeping, I always stop and wonder if I am lovable. Am I, really? Lovable. Love-able.
The ability to love.
Is there such thing in me? Is there something wonderful when people look or at least, gaze at me? Is there something beautiful in me? Is there? And the list goes on.
I need to work things out. I need to weigh things. I need everything in a different angle and when I see that different perspective, maybe, just maybe, I can see what’s really lovely.
Dinig ang patak ng ulan sa labas at ang hangin na dumadampi sa pisngi niya. Kahit papaano may nararamdamang malamig sa gitna ng walang kuryenteng gabi. Hindi makatulog si Ate, una dahil isa siyang insomniac at pangalawa ay dahil para sa kanya, mainit parin ang gabi.
Papatulog na sana si Bunso, nang narinig niyang nagpatugtog si Ate ng musika galing sa kanyang karag-karag na cellphone. "Ibang klase talaga ang lumang kanta. The best," ani n Bunso. Napangiti lamang si Ate at sinabayan ang kantang tumutugtog.
susungkitin mga bituin, para lang makahiling, na sana'y maging akin, puso mo at damdamin. Kung pwede lang, kung kaya lang, kung akin ang mundo, ang lahat ng ito'y gagawin para sa'yo.
Ngayon, pareho nalang silang hindi makatulog kaya naisipan nilang magkwentuhan habang nakahiga sila sa double deck. Si Ate sa baba at si Bunso sa taas. Nagkumustahan tungkol sa buhay-eskwelahan, buhay-pagibig, at pagkakaibigan. Sa lahat ng napagkwentuhan nila dalawang storya ang tumatak sa isip nilang pareho.
"Lahat ng tao makakaranas ng pagkabigo, ang masaktan, ang maiwanan. Parte ng buhay yan. Hindi ka tao kung ni minsan hindi mo naranasang masaktan."
Hindi alam ni Bunso kung baket tumatak sa isip niya ang sinabi ni Ate sa kanya. Siguro dahil sa ilang beses na siyang nabigo, nasaktan, at naiwanan. Ngayon lang niya naintindihan na isa siyang taong nakakaramdam at normal lang na hindi siya dapat panghinaan ng loob dahil parte yun ng ika nga maturity ng isang tao.
"Nakakatuwang isipin na grade 6 ka na pero hindi mo parin alam ang spelling ng 'sachet'. Hindi mo maiiwasan na maawa sa sarili mo. Tapos maiisip mo na ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo at walang iba."
Masakit pakinggan pero totoo na sa buhay ng tao laging may isang sitwasyon na maiisip mong nakakaawa ang sarili mo. Pero kailangan mong kapalan ang mukha mo at umulit hanggang sa ma-perpekto mo ang teknik. Para sa susunod, hindi ka na mapapahiya at masasabi mo sa sarili mo na hindi ka na nakakaawa.
At habang iniisip nila ang napag-usapan, tuluyan nang nagpahinga ang isip at nanaginip.
Pilit kong iniisip kung paano ulit ako magsusulat. Yung may sense naman at hindi non-sense. Yung karapat-dapat naman dito sa blogspot.
Namimiss ko na yung panahong may retorika class kami. Hindi naman sa ubligadong magsulat pero nagkaroon ako ng inspirasyon para sumulat. Dahil sa propesor na si Sir Eros Atalia, nangarap akong maging isang script writer. Baket script writer? Kasi mahilig ako sa mga dialogues. Hindi ako katulad ng mga kaibigan ko na magaling gumawa ng storya. Ako kas yung tipo ng taong mahilig makinig sa mga pinaguusapan ng mga tao. Hindi naman yung parang chismosa na pakikinig. Yung tipong pinakikinggan ko ang isang argumento na dadarating sa isang unexpected conclusion o closing.
Kelan kaya ako magsisimulang makapagsulat ulit ng katulad ng "Amber ang pangalan niya." Yun kasi yung sinasabi kong mala-inspirasyon kong naisulat. Kasi hango sa totoong buhay. Tatlong buwan na ng una kong sinulat yun at ngayon hindi ko parin nasusundan.
Nakakaloko pero ang raming pumapasok sa utak ko na mga storya upang gamitin sa isang malikhaing pagsusulat. Makakasulat ako pero hanggang sa gitna nalang. Pagdating doon, hindi ko na alam kung paano ko tatapusin. Yun ang tinatawag nating lahat na frustration.
Mga mata mo'y palyado Dahil ang gusto ko'y chinito Matangos na ilong ang nais ko Ngunit ang sayo'y pango Labi mong tila sabog Doon nahumaling, nakakalibog
Hindi macho ang nais ko Pero bakit nahumaling sayo?
Triceps na may guhit, biceps na tila galit Pag nakikita ako'y nagngangalit Dibdib mong putok, nakakahimutok Abs mong parang pan de sal, gusto kong dumuwal Ganyan ko kaayaw sa macho Pero sa iyo nahumaling ako
Ayoko sa gago Pero oo, nahumaling ako sayo
Gago na nga, playboy pa Tinanong mo ako, "may magagawa ka ba?" Landi dito, landi doon Kahit nakikita ko, ano naman ngayon? Mahal kita. Ano pa ba? Mahal kitang gago ka
Isa siya sa mga taong pinakamalapit sa puso ko. Isang napaka-espesyal lalaki na sa tingin, kahit kalian, kahit matanad na ako at uugod-ugod, ay hindi ko kayang mawala sa buhay ko. Malaking parte ng buhay ko si Vince. Ang tinuturing ko isa sa matalik kong kaibigan. At hindi ko rin makakaila na minsan, minahal ko siya bilang higit pa sa pagmamahal na kailangan at dapat para sa isang kaibigan. Hindi kami nagkatuluyan, pero kahit na masakit noon na tanggapin, binigyan ko ang pagkakaibigan namin ng isa pang pagkakataon. At ngayon, masasabi ko na mas masaya ako na hanggang dito nalang kami. Bilang matalik na magkaibigan. Hindi ako nagre-regret na hindi kami nagkatuluyan dahil sa tingin ko, kung magkakatuluyan kami nung mga panahong iyon, masasabi ko rin na hindi kami magtatagal. Pero teka nga, hindi naman lovelife ko ang pag-uusapan. Si Vince e. Sinusulat ko ito ngayon dahil isa ito sa mga paraan ko upang magpasalamat sa kanya. Salamat dahil kahit kalian, hindi mo nakakalimutang hawakan ang mga kamay ko kapag kailangan ko ng kamay na mahahawakan at ginagamit sa pagpunas ng mga luha ko. Dahil alam mo pag hindi ko na kaya, yun ang tanging remediya na hinahanap ko. Salamat sa mga halik mo sa pisngi ko kapag nagkikita tayo sa umaga at pag uuwi na ulit sa gabi. Dahil sa mga halik na iyon, nalalaman ko na may nagpapahalaga sa akin, kung kasama mo ako o hindi. Salamat sa mga braso mo na laging sumasalo sa akin kapag malapit na ako matumba o madapa o masagasaan. Dahil doon alam ko na may umaakay sakin at hindi ako nag-iisa. Salamat sa mg mata mo na naga-assure sa akin na kahit gaano ako ka-pangit sa paningin ng ibang tao, pinapakita ng mga mata mo na hindi mo nakikita ang pisikal ko kundi nakikita mo na may kagandahan sa akin. Salamat sa mga payo na sobrang nakakatulong sa buhay ko, na nagkakaroon ako ng ibang perception sa buhay ko at ibang options. At sa lahat ng pasasalamat, salamat sa puso mo. Dahil sa lahat nang nabanggit ko, hindi magiging possible yun kung hindi mo ako mahal bilang isang kaibigan mo. Kaya, salamat tatay. Salamat.
Dalawang taon. Dalawang taon na pinagpahinga ang puso. Dalawang taong tumigil umasa. Dalawang taon na paglalaboy. Dalawang taon. At ngayon, handa na kaya siyang magmahal ulit?
Unang tanong. Worth the try ba kung magmamahal ulit siya? Sa dalawang taon, ngayon lang ulit dumampi sa isip niya ang katagang love. Sa dalawang taon na yon, hindi niya naisip na sasagi ulit yon. Sabi nga ng isa niyang kaibigan, mahirap nang umakyat ulit galing sa pagkakahulog sa isang napakalalim na hukay, dahil sa dalawang taon na yon, nilibing niya ang puso niya sa napakalalim na parte ng lupa. Yun bang tipong mahirap nang hukayin ulit. Yung tipong hindi na mahuhukay talaga. Pero ngayon, bumalik yung pakiramdam na ganun. Wala talagang awa si kupido pag pinana ka na ulit. Wala sa lugar, wala sa timing.
Pangalawang tanong. Baka umasa lang siya sa wala? Mahirap magmukhang tanga. Pero mas lalong mahirap na pinagmukha kang tanga ng taong inakala mong mamahalin ka ng kung sino ka at kung ano lang yung kaya mong ibigay. Laging sinasabi ng madla, na nakakapagod umasa. Pero bakit ginagawa parin? Baket hindi na natuto. Talaga bang sadyang uto-uto ang tao? Pakitaan ka lang ng mga konting importansya, nakakaramdam ka na ng parang may daga na tumatakbo sa dibdib. Mahuhulog na. Wala ka nang kawala. Mukha ka na naming tanga. Nagpakatanga ka na naman.
Panghuling tanong. Gusto rin kaya niya ako? Ito sa tatlo ang mahirap talagang tanong. Dahil di mo naman talaga alam kung ano ang sagot. Depende nalang kung sinabi na niya sayo, papasok ka na naman sa dalawang naunang tanong sa isip mo. Pero aminin na nating lahat, gusto mo rin malaman. Kasi pag nalaman mo na, parang sinabi mo narin na, “Itulak mo na ako sa hukay ko.” Binugaw mo na yung sarili mo. Andun na sa puntong handa ka na sa kahit anumang sakit na mapagdadaanan mo kasi alam mo na na mahal ka niya. Na mahalaga ka sa kanya. Alam mo na, na may sasalo sayo. Na hindi ka nag-iisa.
Sa dalawang taon na pinagpahinga niya ang puso niya. Ngayon, pumasok na naman ang mga tanong na yan sa isip niya. Na nakakapagod nang paulit-ulitin na itanong sa sarili. At habang tinatanong niya ang sarili, hindi niya namamalayan, nahuhulog na ulit siya.
Dito na magwawakas ang lahat. Dito na hihinto ang mundo. Ito na ang wakas ng buhay.
Inayos ang lubid, at siniguradong matibay ang pagkakagawa. Ilang beses pinaghalumbitinan para lang malaman kung hindi ito bibigay mamaya sa gagawing final act. Matibay nga. Ayaw na niya kasing pumalya pa ang gagawing pagpapatiwakal. Gusto niya maayos at walang argabyado. Ganon niya kagustong mamatay. Ganon niya gustong putulin na ang buhay niya.
Baket? Ilang beses na tanong sa sarili. Baket kailangan pang malaman ang lahat na dapat ay hindi na ipinaalam?
Kamamatay lang ng ina. Ang ina na nag-aruga sa kanya mula pagkabata. Ang tanging tao na nakakapagbigay sa kanya ng lakas upang lumaban sa buhay. At ang tanging tao na may kakayahan na pigilan siya sa kung ano man ang nais niyang gawin. Namatay ang ina, dahil sa bugbog at paso na ibinigay ng kanyang gagong pangalawang asawa. Namatay sa kahinaan. Namatay sa kawalan.
Kamamatay lang din ng pangalawang asawa ng kanyang ina. Namatay dahil pinatay niya. Ilang beses itinusok ang kutsilyo sa dibdib ng bastardong ama-amahan. Sa sobrang galit dahil sa ginawa sa kanyang ina, tila parang ayaw na niyang bitawan ang kutsilyong kanina pa hawak. Ang katawan ng lalaki ay parang punit-punit na piraso ng papel. Nararapat lamang sa kanya yan, nasa isip niya.
Dahil sa pagkakapatay sa ama-amahan, hindi kinayanan ng nobya niya. Hindi matanggap na mamamatay tao ang lalaking minsan at patuloy pa niyang minamahal. Natakot na baka pati siya ay patayin ng minsang kinasiping niya. Ang lalaking nagpatibok ng puso niya. Ang lalaking iyon ay isang mamamatay tao pala.
Ano pang silbi ng buhay, ngayong ang dalawang babaeng pinakamamahal niya ay pareho na siyang iniwan. Isisisi ba niya ang kasalanan sa bastardo niyang ama-amahan? Isisi man sa ibang tao ang sariling kasalanan, wala rin namang patutunguhan. Kaya mabuti nalang na magpatiwakal.
Humakbang at tumungtong sa upuan na kakasya lang ang isang pares ng paa. Isinuot ang nakabilot na lubid sa kanyang leeg. Wala nang silbi ang buhay kung wala naman ang taong gusto mong nasa tabi mo. Itapon nalang at wag pahalagahan.
Dito na magwawakas ang lahat. Dito na hihinto ang mundo. Ito na ang wakas ng buhay.
Miyerkules. Papauwi ako galing sa eskwelahan. Mga alas nuebe na yun ng gabi. Sa laging dinadaanan na eskinitamay nakita akong isang aso. Sa tinagal tagal kong nakatira sa kalye ng Padre Campa malapit sa UST wala pa akong nakikitang ganong klaseng aso. Hindi siya asong kalye, isa siyang golden retriever. Mahaba ang buhok nito at halatang naalagaan ng husto. Hindi ko mapigilan mapahinto sa ganda niya. Hindi ko mapigilang mamangha. Pero may napansin ako, tila hinahanap ang kanyang amo. Nakaramdam ako ng lungkot at hindi awa para sa aso. Hindi kaya siya hinahanap sa kanila? O nakawala siya sa kanyang hawla dahil sadyang gusto niyang gumala. Gusto kong tulungan siya. Lumingon ako sa paligid at nakitang walang pumapansin sa kanya kaya naisip kong lapitan siya. Nang palapit na ako, bigla siyang tumakbo. Hindi ko siya nahawakan. Gusto ko pa naman sana siyang tulungan.
Umuwi ako ng dorm at hindi maalis sa isip ko ang asong iyon. Sana ay makabalik siya sa amo niya, nasa isip ko. Dahil kailangan niyang kumain. Dahil kailangan niyang maligo. Dahil kailangan niya ng may mag-aalaga sa kanya. Kailangan niya lahat yun, dahil alam ko, espesyal ang asong iyon. Iniisip kong lahat iyon pero sa kabilang banda hinihiling ko rin na sana makita ko ulit ang siya.
Kinabukasan, huwebes - walang pasok. At kapag walang pasok, natutulog hanggang alas tres ng hapon. Nagising ako ng mga bandang alas kwatro at naisipang bumaba at kumain. Habang naglalakad ako, na-surpresa ako sa nakita ko, yung aso kagabi. Nilapitan ko ito at ngayon, hindi na siya tumakbo. Nagpahawak siya at nanlambing. Medyo madungis siya at may sugat sa kaliwang binti. Sa pangalawang beses, nalungkot ako para sa aso. Kung walang maghahanap sa kanya, akin nalang siya.
Kinupkop ko ang aso at pinangalanang “Amber” dahil sa kulay ng kanyang mga mata. Pinapaliguan, pinapakain at binibigyan ng matutulugan. Yan ang ginawa ko. Iba si Amber. Malikot, maligalig, maingay. Pero ang pinaka-gusto ko sa lahat, malambing siya. Kaya napamahal siya sakin. Hindi ko inakala na ganun ako magmamahal ng isang hayop. Hamak lang siyang isang aso pero naparamdam niya sa akin kung gano ako ka-espesyal sa kanya. Sa mga maliliit na bagay, napapasaya niya ako. Nakukumpleto niya ang araw ko.
Dalawang linggo, nasa akin si Amber. Walang naghahanap sa kanya, walang nagtatanong tungkol sa kanya kaya naisip ko, na ampunin si Amber. Pinagpaalam ko na sa mama at papa na mag-aalaga ako ng panibagong aso at sinabi nilang okay lang. Biyernes, bago ako pumasok sa eskwelahan, dinala ko siya sa kilala ni mama na beterenaryo dito sa Maynila.
Iba ang tuwang naramdaman ko. Sa wakas, magiging sakin na talaga si Amber. Sa wakas, ako na ang amo niya. Papasok na sana ako sa pintuan ng clinic, nang makita ko ang isang litrato. Missing: Jaki (Golden Retriever) gone for 3 weeks. Tiningnan kong mabuti ang litrato, si Jaki ay ang Amber ko. Naramdaman ko ang pangangatog ng tuhod at ang pagtulo ng luha ko. Ayokong ibalik si Amber. Siya si Amber. Hindi siya si Jaki. Kasi Amber ang pangalan niya. Amber ang pinangalan ko sa kanya. Selfish na kung selfish pero ayoko talaga siyang ibalik sa totoong amo niya. Paano na ako pag wala na si Amber? Wala nang gigising sakin twing umaga. Wala nang makikipaglaro sakin. At higit sa lahat wala na yung kaisa-isang bagay na nagparamdam sakin na espesyal ako. Oo, baliw man kung isipin dahil aso si Amber pero baket ba? Kung magmahal ang isang asong katulad ni Amber, at siguro kahit sinong aso, walang hinihintay na kapalit. Kahit nga buhay nila minsan, ibinibigay nila para sa amo nila dahil nature na nila yun. Dahil pinakita ng isang amo na mahalaga ang alaga nila. At sa mga pumasok sa utak ko na iyon ready na akong hindi ibalik si Amber.
Paalis na kami sa harap ng clinic. Ay hindi. Ako lang pala. Tumahol si Amber at umupo sa harap ng pintuan ng clinic na tila naisip niya na ang clinic ay ang bahay niya talaga. Alam niya na andoon, naghihintay yung totoong amo niya. Mas lalong hindi ko napigilan ang luha ko. Kaya kong hindi na ibalik si Amber pero hindi kaya ni Amber na sumama pa sakin. Naiyak ako hindi dahil sa ayaw na niyang sumama sakin, kundi dahil doon, sa kinatatayuan ko, habang tinitingnan ko ang tinuring kong alaga, napagtanto ko hindi siya sakin. Hindi ako ang amo niya. Hindi ako ang totoong minahal niya. Hindi siya si Amber.