About Me

My photo
A nineteen year old lady turning twenty this December 2010, living in a techno-gadgety generation who is so much in love with black and white film photography, still writes personal stuff in her disorganized diary, rocks a folk guitar, sings loudly while taking a shower, wants ruthless/daredevil adventures, loves her family, friends, sleeps at dawn and had her heart seriously broken twice. What's not to love?

Sunday, February 14, 2010

Amber Ang Pangalan Niya

Miyerkules. Papauwi ako galing sa eskwelahan. Mga alas nuebe na yun ng gabi. Sa laging dinadaanan na eskinita may nakita akong isang aso. Sa tinagal tagal kong nakatira sa kalye ng Padre Campa malapit sa UST wala pa akong nakikitang ganong klaseng aso. Hindi siya asong kalye, isa siyang golden retriever. Mahaba ang buhok nito at halatang naalagaan ng husto. Hindi ko mapigilan mapahinto sa ganda niya. Hindi ko mapigilang mamangha. Pero may napansin ako, tila hinahanap ang kanyang amo. Nakaramdam ako ng lungkot at hindi awa para sa aso. Hindi kaya siya hinahanap sa kanila? O nakawala siya sa kanyang hawla dahil sadyang gusto niyang gumala. Gusto kong tulungan siya. Lumingon ako sa paligid at nakitang walang pumapansin sa kanya kaya naisip kong lapitan siya. Nang palapit na ako, bigla siyang tumakbo. Hindi ko siya nahawakan. Gusto ko pa naman sana siyang tulungan.

Umuwi ako ng dorm at hindi maalis sa isip ko ang asong iyon. Sana ay makabalik siya sa amo niya, nasa isip ko. Dahil kailangan niyang kumain. Dahil kailangan niyang maligo. Dahil kailangan niya ng may mag-aalaga sa kanya. Kailangan niya lahat yun, dahil alam ko, espesyal ang asong iyon. Iniisip kong lahat iyon pero sa kabilang banda hinihiling ko rin na sana makita ko ulit ang siya.

Kinabukasan, huwebes - walang pasok. At kapag walang pasok, natutulog hanggang alas tres ng hapon. Nagising ako ng mga bandang alas kwatro at naisipang bumaba at kumain. Habang naglalakad ako, na-surpresa ako sa nakita ko, yung aso kagabi. Nilapitan ko ito at ngayon, hindi na siya tumakbo. Nagpahawak siya at nanlambing. Medyo madungis siya at may sugat sa kaliwang binti. Sa pangalawang beses, nalungkot ako para sa aso. Kung walang maghahanap sa kanya, akin nalang siya.

Kinupkop ko ang aso at pinangalanang “Amber” dahil sa kulay ng kanyang mga mata. Pinapaliguan, pinapakain at binibigyan ng matutulugan. Yan ang ginawa ko. Iba si Amber. Malikot, maligalig, maingay. Pero ang pinaka-gusto ko sa lahat, malambing siya. Kaya napamahal siya sakin. Hindi ko inakala na ganun ako magmamahal ng isang hayop. Hamak lang siyang isang aso pero naparamdam niya sa akin kung gano ako ka-espesyal sa kanya. Sa mga maliliit na bagay, napapasaya niya ako. Nakukumpleto niya ang araw ko.

Dalawang linggo, nasa akin si Amber. Walang naghahanap sa kanya, walang nagtatanong tungkol sa kanya kaya naisip ko, na ampunin si Amber. Pinagpaalam ko na sa mama at papa na mag-aalaga ako ng panibagong aso at sinabi nilang okay lang. Biyernes, bago ako pumasok sa eskwelahan, dinala ko siya sa kilala ni mama na beterenaryo dito sa Maynila.

Iba ang tuwang naramdaman ko. Sa wakas, magiging sakin na talaga si Amber. Sa wakas, ako na ang amo niya. Papasok na sana ako sa pintuan ng clinic, nang makita ko ang isang litrato. Missing: Jaki (Golden Retriever) gone for 3 weeks. Tiningnan kong mabuti ang litrato, si Jaki ay ang Amber ko. Naramdaman ko ang pangangatog ng tuhod at ang pagtulo ng luha ko. Ayokong ibalik si Amber. Siya si Amber. Hindi siya si Jaki. Kasi Amber ang pangalan niya. Amber ang pinangalan ko sa kanya. Selfish na kung selfish pero ayoko talaga siyang ibalik sa totoong amo niya. Paano na ako pag wala na si Amber? Wala nang gigising sakin twing umaga. Wala nang makikipaglaro sakin. At higit sa lahat wala na yung kaisa-isang bagay na nagparamdam sakin na espesyal ako. Oo, baliw man kung isipin dahil aso si Amber pero baket ba? Kung magmahal ang isang asong katulad ni Amber, at siguro kahit sinong aso, walang hinihintay na kapalit. Kahit nga buhay nila minsan, ibinibigay nila para sa amo nila dahil nature na nila yun. Dahil pinakita ng isang amo na mahalaga ang alaga nila. At sa mga pumasok sa utak ko na iyon ready na akong hindi ibalik si Amber.

Paalis na kami sa harap ng clinic. Ay hindi. Ako lang pala. Tumahol si Amber at umupo sa harap ng pintuan ng clinic na tila naisip niya na ang clinic ay ang bahay niya talaga. Alam niya na andoon, naghihintay yung totoong amo niya. Mas lalong hindi ko napigilan ang luha ko. Kaya kong hindi na ibalik si Amber pero hindi kaya ni Amber na sumama pa sakin. Naiyak ako hindi dahil sa ayaw na niyang sumama sakin, kundi dahil doon, sa kinatatayuan ko, habang tinitingnan ko ang tinuring kong alaga, napagtanto ko hindi siya sakin. Hindi ako ang amo niya. Hindi ako ang totoong minahal niya. Hindi siya si Amber.