About Me

My photo
A nineteen year old lady turning twenty this December 2010, living in a techno-gadgety generation who is so much in love with black and white film photography, still writes personal stuff in her disorganized diary, rocks a folk guitar, sings loudly while taking a shower, wants ruthless/daredevil adventures, loves her family, friends, sleeps at dawn and had her heart seriously broken twice. What's not to love?

Wednesday, February 17, 2010

Vince

Isa siya sa mga taong pinakamalapit sa puso ko. Isang napaka-espesyal lalaki na sa tingin, kahit kalian, kahit matanad na ako at uugod-ugod, ay hindi ko kayang mawala sa buhay ko.
Malaking parte ng buhay ko si Vince. Ang tinuturing ko isa sa matalik kong kaibigan. At hindi ko rin makakaila na minsan, minahal ko siya bilang higit pa sa pagmamahal na kailangan at dapat para sa isang kaibigan. Hindi kami nagkatuluyan, pero kahit na masakit noon na tanggapin, binigyan ko ang pagkakaibigan namin ng isa pang pagkakataon. At ngayon, masasabi ko na mas masaya ako na hanggang dito nalang kami. Bilang matalik na magkaibigan.
Hindi ako nagre-regret na hindi kami nagkatuluyan dahil sa tingin ko, kung magkakatuluyan kami nung mga panahong iyon, masasabi ko rin na hindi kami magtatagal. Pero teka nga, hindi naman lovelife ko ang pag-uusapan. Si Vince e. Sinusulat ko ito ngayon dahil isa ito sa mga paraan ko upang magpasalamat sa kanya.
Salamat dahil kahit kalian, hindi mo nakakalimutang hawakan ang mga kamay ko kapag kailangan ko ng kamay na mahahawakan at ginagamit sa pagpunas ng mga luha ko. Dahil alam mo pag hindi ko na kaya, yun ang tanging remediya na hinahanap ko. Salamat sa mga halik mo sa pisngi ko kapag nagkikita tayo sa umaga at pag uuwi na ulit sa gabi. Dahil sa mga halik na iyon, nalalaman ko na may nagpapahalaga sa akin, kung kasama mo ako o hindi. Salamat sa mga braso mo na laging sumasalo sa akin kapag malapit na ako matumba o madapa o masagasaan. Dahil doon alam ko na may umaakay sakin at hindi ako nag-iisa. Salamat sa mg mata mo na naga-assure sa akin na kahit gaano ako ka-pangit sa paningin ng ibang tao, pinapakita ng mga mata mo na hindi mo nakikita ang pisikal ko kundi nakikita mo na may kagandahan sa akin. Salamat sa mga payo na sobrang nakakatulong sa buhay ko, na nagkakaroon ako ng ibang perception sa buhay ko at ibang options.
At sa lahat ng pasasalamat, salamat sa puso mo. Dahil sa lahat nang nabanggit ko, hindi magiging possible yun kung hindi mo ako mahal bilang isang kaibigan mo. Kaya, salamat tatay. Salamat.

Monday, February 15, 2010

Dalawang Taon

Dalawang taon. Dalawang taon na pinagpahinga ang puso. Dalawang taong tumigil umasa. Dalawang taon na paglalaboy. Dalawang taon. At ngayon, handa na kaya siyang magmahal ulit?

Unang tanong. Worth the try ba kung magmamahal ulit siya? Sa dalawang taon, ngayon lang ulit dumampi sa isip niya ang katagang love. Sa dalawang taon na yon, hindi niya naisip na sasagi ulit yon. Sabi nga ng isa niyang kaibigan, mahirap nang umakyat ulit galing sa pagkakahulog sa isang napakalalim na hukay, dahil sa dalawang taon na yon, nilibing niya ang puso niya sa napakalalim na parte ng lupa. Yun bang tipong mahirap nang hukayin ulit. Yung tipong hindi na mahuhukay talaga. Pero ngayon, bumalik yung pakiramdam na ganun. Wala talagang awa si kupido pag pinana ka na ulit. Wala sa lugar, wala sa timing.

Pangalawang tanong. Baka umasa lang siya sa wala? Mahirap magmukhang tanga. Pero mas lalong mahirap na pinagmukha kang tanga ng taong inakala mong mamahalin ka ng kung sino ka at kung ano lang yung kaya mong ibigay. Laging sinasabi ng madla, na nakakapagod umasa. Pero bakit ginagawa parin? Baket hindi na natuto. Talaga bang sadyang uto-uto ang tao? Pakitaan ka lang ng mga konting importansya, nakakaramdam ka na ng parang may daga na tumatakbo sa dibdib. Mahuhulog na. Wala ka nang kawala. Mukha ka na naming tanga. Nagpakatanga ka na naman.

Panghuling tanong. Gusto rin kaya niya ako? Ito sa tatlo ang mahirap talagang tanong. Dahil di mo naman talaga alam kung ano ang sagot. Depende nalang kung sinabi na niya sayo, papasok ka na naman sa dalawang naunang tanong sa isip mo. Pero aminin na nating lahat, gusto mo rin malaman. Kasi pag nalaman mo na, parang sinabi mo narin na, “Itulak mo na ako sa hukay ko.” Binugaw mo na yung sarili mo. Andun na sa puntong handa ka na sa kahit anumang sakit na mapagdadaanan mo kasi alam mo na na mahal ka niya. Na mahalaga ka sa kanya. Alam mo na, na may sasalo sayo. Na hindi ka nag-iisa.

Sa dalawang taon na pinagpahinga niya ang puso niya. Ngayon, pumasok na naman ang mga tanong na yan sa isip niya. Na nakakapagod nang paulit-ulitin na itanong sa sarili. At habang tinatanong niya ang sarili, hindi niya namamalayan, nahuhulog na ulit siya.

Bigti

Dito na magwawakas ang lahat. Dito na hihinto ang mundo. Ito na ang wakas ng buhay.

Inayos ang lubid, at siniguradong matibay ang pagkakagawa. Ilang beses pinaghalumbitinan para lang malaman kung hindi ito bibigay mamaya sa gagawing final act. Matibay nga. Ayaw na niya kasing pumalya pa ang gagawing pagpapatiwakal. Gusto niya maayos at walang argabyado. Ganon niya kagustong mamatay. Ganon niya gustong putulin na ang buhay niya.

Baket? Ilang beses na tanong sa sarili. Baket kailangan pang malaman ang lahat na dapat ay hindi na ipinaalam?

Kamamatay lang ng ina. Ang ina na nag-aruga sa kanya mula pagkabata. Ang tanging tao na nakakapagbigay sa kanya ng lakas upang lumaban sa buhay. At ang tanging tao na may kakayahan na pigilan siya sa kung ano man ang nais niyang gawin. Namatay ang ina, dahil sa bugbog at paso na ibinigay ng kanyang gagong pangalawang asawa. Namatay sa kahinaan. Namatay sa kawalan.

Kamamatay lang din ng pangalawang asawa ng kanyang ina. Namatay dahil pinatay niya. Ilang beses itinusok ang kutsilyo sa dibdib ng bastardong ama-amahan. Sa sobrang galit dahil sa ginawa sa kanyang ina, tila parang ayaw na niyang bitawan ang kutsilyong kanina pa hawak. Ang katawan ng lalaki ay parang punit-punit na piraso ng papel. Nararapat lamang sa kanya yan, nasa isip niya.

Dahil sa pagkakapatay sa ama-amahan, hindi kinayanan ng nobya niya. Hindi matanggap na mamamatay tao ang lalaking minsan at patuloy pa niyang minamahal. Natakot na baka pati siya ay patayin ng minsang kinasiping niya. Ang lalaking nagpatibok ng puso niya. Ang lalaking iyon ay isang mamamatay tao pala.

Ano pang silbi ng buhay, ngayong ang dalawang babaeng pinakamamahal niya ay pareho na siyang iniwan. Isisisi ba niya ang kasalanan sa bastardo niyang ama-amahan? Isisi man sa ibang tao ang sariling kasalanan, wala rin namang patutunguhan. Kaya mabuti nalang na magpatiwakal.

Humakbang at tumungtong sa upuan na kakasya lang ang isang pares ng paa. Isinuot ang nakabilot na lubid sa kanyang leeg. Wala nang silbi ang buhay kung wala naman ang taong gusto mong nasa tabi mo. Itapon nalang at wag pahalagahan.

Dito na magwawakas ang lahat. Dito na hihinto ang mundo. Ito na ang wakas ng buhay.

Sunday, February 14, 2010

Amber Ang Pangalan Niya

Miyerkules. Papauwi ako galing sa eskwelahan. Mga alas nuebe na yun ng gabi. Sa laging dinadaanan na eskinita may nakita akong isang aso. Sa tinagal tagal kong nakatira sa kalye ng Padre Campa malapit sa UST wala pa akong nakikitang ganong klaseng aso. Hindi siya asong kalye, isa siyang golden retriever. Mahaba ang buhok nito at halatang naalagaan ng husto. Hindi ko mapigilan mapahinto sa ganda niya. Hindi ko mapigilang mamangha. Pero may napansin ako, tila hinahanap ang kanyang amo. Nakaramdam ako ng lungkot at hindi awa para sa aso. Hindi kaya siya hinahanap sa kanila? O nakawala siya sa kanyang hawla dahil sadyang gusto niyang gumala. Gusto kong tulungan siya. Lumingon ako sa paligid at nakitang walang pumapansin sa kanya kaya naisip kong lapitan siya. Nang palapit na ako, bigla siyang tumakbo. Hindi ko siya nahawakan. Gusto ko pa naman sana siyang tulungan.

Umuwi ako ng dorm at hindi maalis sa isip ko ang asong iyon. Sana ay makabalik siya sa amo niya, nasa isip ko. Dahil kailangan niyang kumain. Dahil kailangan niyang maligo. Dahil kailangan niya ng may mag-aalaga sa kanya. Kailangan niya lahat yun, dahil alam ko, espesyal ang asong iyon. Iniisip kong lahat iyon pero sa kabilang banda hinihiling ko rin na sana makita ko ulit ang siya.

Kinabukasan, huwebes - walang pasok. At kapag walang pasok, natutulog hanggang alas tres ng hapon. Nagising ako ng mga bandang alas kwatro at naisipang bumaba at kumain. Habang naglalakad ako, na-surpresa ako sa nakita ko, yung aso kagabi. Nilapitan ko ito at ngayon, hindi na siya tumakbo. Nagpahawak siya at nanlambing. Medyo madungis siya at may sugat sa kaliwang binti. Sa pangalawang beses, nalungkot ako para sa aso. Kung walang maghahanap sa kanya, akin nalang siya.

Kinupkop ko ang aso at pinangalanang “Amber” dahil sa kulay ng kanyang mga mata. Pinapaliguan, pinapakain at binibigyan ng matutulugan. Yan ang ginawa ko. Iba si Amber. Malikot, maligalig, maingay. Pero ang pinaka-gusto ko sa lahat, malambing siya. Kaya napamahal siya sakin. Hindi ko inakala na ganun ako magmamahal ng isang hayop. Hamak lang siyang isang aso pero naparamdam niya sa akin kung gano ako ka-espesyal sa kanya. Sa mga maliliit na bagay, napapasaya niya ako. Nakukumpleto niya ang araw ko.

Dalawang linggo, nasa akin si Amber. Walang naghahanap sa kanya, walang nagtatanong tungkol sa kanya kaya naisip ko, na ampunin si Amber. Pinagpaalam ko na sa mama at papa na mag-aalaga ako ng panibagong aso at sinabi nilang okay lang. Biyernes, bago ako pumasok sa eskwelahan, dinala ko siya sa kilala ni mama na beterenaryo dito sa Maynila.

Iba ang tuwang naramdaman ko. Sa wakas, magiging sakin na talaga si Amber. Sa wakas, ako na ang amo niya. Papasok na sana ako sa pintuan ng clinic, nang makita ko ang isang litrato. Missing: Jaki (Golden Retriever) gone for 3 weeks. Tiningnan kong mabuti ang litrato, si Jaki ay ang Amber ko. Naramdaman ko ang pangangatog ng tuhod at ang pagtulo ng luha ko. Ayokong ibalik si Amber. Siya si Amber. Hindi siya si Jaki. Kasi Amber ang pangalan niya. Amber ang pinangalan ko sa kanya. Selfish na kung selfish pero ayoko talaga siyang ibalik sa totoong amo niya. Paano na ako pag wala na si Amber? Wala nang gigising sakin twing umaga. Wala nang makikipaglaro sakin. At higit sa lahat wala na yung kaisa-isang bagay na nagparamdam sakin na espesyal ako. Oo, baliw man kung isipin dahil aso si Amber pero baket ba? Kung magmahal ang isang asong katulad ni Amber, at siguro kahit sinong aso, walang hinihintay na kapalit. Kahit nga buhay nila minsan, ibinibigay nila para sa amo nila dahil nature na nila yun. Dahil pinakita ng isang amo na mahalaga ang alaga nila. At sa mga pumasok sa utak ko na iyon ready na akong hindi ibalik si Amber.

Paalis na kami sa harap ng clinic. Ay hindi. Ako lang pala. Tumahol si Amber at umupo sa harap ng pintuan ng clinic na tila naisip niya na ang clinic ay ang bahay niya talaga. Alam niya na andoon, naghihintay yung totoong amo niya. Mas lalong hindi ko napigilan ang luha ko. Kaya kong hindi na ibalik si Amber pero hindi kaya ni Amber na sumama pa sakin. Naiyak ako hindi dahil sa ayaw na niyang sumama sakin, kundi dahil doon, sa kinatatayuan ko, habang tinitingnan ko ang tinuring kong alaga, napagtanto ko hindi siya sakin. Hindi ako ang amo niya. Hindi ako ang totoong minahal niya. Hindi siya si Amber.